PAGBASA 3
Kwento 1: Ang Regalo kay Nanay Araw ng Sabado. Maagang gumising sina Lito at Lara. Gusto nilang surpresahin si Nanay dahil kaarawan nito. Pumasok sila sa kusina nang dahan-dahan upang hindi magising ang ina. Kumuha si Lito ng walis at nagsimulang maglinis ng sala. Si Lara naman ay nagpunas ng mga mesa at upuan. Pagbaba ni Nanay, nagulat siya at napangiti. Malinis na ang buong bahay at may simpleng sulat pa sa lamesa na may nakasaad na, "Maligayang Kaarawan, Nanay! Mahal ka namin!"
Mga Tanong: 1. Sino-sino ang mga tauhan sa kwento? 2. Bakit maagang gumising sina Lito at Lara? 3. Ano ang ginawa ni Lito upang matulungan ang ina? 4. Ano ang nakasulat sa liham para kay Nanay? 5. Kung ikaw sina Lito o Lara, ano ang ireregalo mo sa kaarawan ng iyong ina?
Kwento 2: Ang Masipag na si Mang Jose Si Mang Jose ay isang magsasaka sa Baryo Pag-asa. Tuwing madaling-araw, bago pa sumikat ang araw, nasa bukid na siya. Inaalagaan niya ang mga tanim na palay, gulay, at prutas. Kahit mainit ang sikat ng araw, hindi siya tumitigil sa pagtatrabaho. Dahil sa kanyang kasipagan, sagana sa ani ang kanyang bukid. Maraming tao sa palengke ang bumibili ng kanyang mga sariwang gulay dahil alam nilang ito ay itinanim nang may pagmamahal.
Mga Tanong: 1. Ano ang trabaho ni Mang Jose sa pamayanan? 2. Saan matatagpuan ang bukid ni Mang Jose? 3. Kailan siya pumupunta sa bukid upang magtrabaho? 4. Bakit maraming tao ang bumibili ng kanyang mga gulay sa palengke? 5. Bakit mahalaga ang papel na ginagampanan ng isang magsasaka?
Kwento 3: Si Bani, ang Asong Matapat Si Bani ay ang alagang aso ng pamilya Santos. Kulay tsokolate ang kanyang balahibo at palaging kumakawag ang kanyang buntot. Isang gabi, habang natutulog ang lahat, may napansin si Bani na kakaibang usok na lumalabas sa kusina. Agad siyang tumakbo sa kwarto nina Tatay at malakas na dumaing at kumahol. Nagising si Tatay at nakitang naiwan palang nakasindi ang kalan. Agad itong pinatay ni Tatay. Ligtas ang pamilya dahil sa katapatan at Alerto ni Bani.
Mga Tanong: 1. Ano ang pangalan ng alagang aso ng pamilya Santos? 2. Ano ang kulay ng balahibo ni Bani? 3. Anong panganib ang napansin ni Bani sa kusina isang gabi? 4. Paano ginising ni Bani ang pamilya? 5. Ano ang katangiang ipinakita ni Bani sa kwento?
Kwento 4: Ang Bayanihan sa Nayon Pagkatapos ng isang malakas na bagyo, maraming sanga ng puno at basura ang nakakalat sa kalsada ng Barangay San Juan. Nakita ito ng kapitan kaya tumunog ang batingaw para sa isang "bayanihan." Lumabas ang mga tatay dala ang kanilang mga itak at walis tingting. Ang mga nanay naman ay naghanda ng mainit na sopas at pandesal para sa mga nagtatrabaho. Sa loob ng ilang oras, muling naging malinis at ligtas ang kanilang nayon dahil sa tulong-tulong na lakas ng komunidad.
Mga Tanong: 1. Anong sakuna ang nagdaan sa Barangay San Juan? 2. Ano ang naging problema sa kalsada pagkatapos ng bagyo? 3. Ano ang tawag sa tradisyon ng pagtutulungan na ipinakita sa kwento? 4. Ano ang naging tungkulin ng mga nanay habang naglilinis ang mga tatay? 5. Paano mo maipapakita ang bayanihan sa inyong sariling paaralan?
Kwento 5: Ang Lapis ni Marco Si Marco ay nasa Ikatlong Baitang. Bago ang kanilang pagsusulit, napansin niya na umiiyak ang kanyang katabi na si Ana. Nawawala raw ang natatanging lapis ni Ana at wala siyang gagamitin sa pagsusulit. Bagamat dalawa lang ang lapis ni Marco sa kanyang bag, hindi siya nag-atubili. Inabot niya ang kanyang isang lapis kay Ana nang may ngiti. Nagpasalamat nang husto si Ana at pareho silang nakakuha ng mataas na marka sa pagsusulit.
Mga Tanong: 1. Sa anong baitang na si Marco? 2. Bakit umiiyak ang kanyang kamag-aral na si Ana? 3. Ilan ang kabuuang lapis ni Marco sa loob ng kanyang bag? 4. Ano ang ginawa ni Marco para matulungan si Ana? 5. Ano ang magandang aral na matututunan sa ginawa ni Marco?
Kwento 6: Ang Halamanan ni Lola Elena Tuwing bakasyon, masayang- masaya si Ben na pumunta sa probinsya nina Lola Elena. Ang paboritong lugar ni Ben doon ay ang malawak na halamanan sa likod-bahay. Maraming tanim na bulaklak si Lola tulad ng rosas, gumamela, at mababangong sampaquita. Tuwing umaga, tinutulungan ni Ben ang kanyang lola na magdilig ng mga halaman at mag-alis ng mga tuyong dahon. Sinasabi ni Lola Elena na ang mga halaman ay parang tao rin na kailangang alagaan at mahalin upang lumaking maganda at malusog.
Mga Tanong: 1. Sino ang binibisita ni Ben tuwing bakasyon? 2. Ano ang paboritong lugar ni Ben sa probinsya? 3. Magbigay ng dalawang uri ng bulaklak na tinutukoy sa kwento. 4. Ano-ano ang mga itinulong ni Ben sa kanyang lola tuwing umaga? 5. Ano ang payo ni Lola Elena tungkol sa pag-aalaga ng mga halaman?
Kwento 7: Si Pipoy, ang Munting Patak ng Ulan Si Pipoy ay isang munting patak ng ulan na nakatira sa isang malaking ulap. Isang araw, naging mabigat ang ulap at nagsimulang mahulog si Pipoy kasama ang kanyang mga kaibigan. Natakot si Pipoy noong una, ngunit laking gulat niya nang lumapag siya sa isang tuyong lupain. Nakita niya ang isang lantang halaman na biglang sumigla nang madampian ng ulan. Napatingin din siya sa mga batang masayang nagtatampisaw. Napagtanto ni Pipoy na ang kanyang pagkahulog ay nagdala pala ng buhay at saya sa mundo.
Mga Tanong: 1. Sino ang pangunahing tauhan sa kwento? 2. Saan nakatira si Pipoy noong simula? 3. Bakit nahulog si Pipoy mula sa langit? 4. Ano ang nangyari sa lantang halaman nang ito ay maulanan? 5. Ano ang mahalagang napagtanto ni Pipoy sa dulo ng kwento?
Kwento 8: Ang Ligtas na Pag-bisekleta Bagong bili ang bisekleta ni Ken na regalo ng kanyang Tatay dahil mataas ang kanyang mga marka. Bago siya pinayagang lumabas, binihisan muna siya ng kanyang ina ng helmet, siko, at tuhod (knee pads) para sa kanyang kaligtasan. Sumunod si Ken sa paalala na sa loob lamang ng subdibisyon maglaro at huwag pumunta sa malaking kalsada kung saan maraming sasakyan. Dahil sa pagiging masunurin, ligtas at masayang nakapaglaro si Ken buong hapon.
Mga Tanong: 1. Ano ang naging regalo kay Ken ng kanyang Tatay? 2. Bakit siya binigyan ng regalo ng kanyang magulang? 3. Ano-anong kagamitang pangkaligtasan ang isinuot ni Ken? 4. Saan lamang siya pinayagang magbisekleta ng kanyang ina? 5. Bakit mahalagang sumunod sa mga babala ng magulang bago maglaro?
Kwento 9: Si Tina at ang Malinis na Kamay Mahilig maglaro sa putikan si Tina kasama ang kanyang pusa. Isang araw, tinawag na siya ni Nanay para kumain ng hapunan. Dahil sa gutom, dumeretso agad si Tina sa lamesa nang hindi naghuhugas ng kamay. Pinigilan siya ng kanyang kuya at pinaalalahanan tungkol sa mga nakatagong kuko at dumi na may dalang mikrobyo. Agad na pumunta si Tina sa lababo, gumamit ng sabon, at naghugas nang mabuti habang kumakanta ng "Happy Birthday" nang dalawang beses. Masaya at ligtas siyang kumain pagkatapos.
Mga Tanong: 1. Ano ang hilig laruin ni Tina kasama ang kanyang alaga? 2. Bakit dumeretso agad si Tina sa lamesang kainan? 3. Sino ang pumigil sa kanya bago siya makasubo ng pagkain? 4. Ano ang ginamit ni Tina sa lababo upang linisin ang kanyang kamay? 5. Gaano katagal dapat maghugas ng kamay ayon sa kwento?
Kwento 10: Ang Palakaibigang Pawikan Sa malalim at asul na karagatan ng Apo Island, may nakatirang isang munting pawikan na ang pangalan ay Pawi. Si Pawi ay kilala sa pagiging palakaibigan sa mga isda at korales. Isang araw, may nakita siyang lumulutang na plastic bag. Akala niya ito ay masarap na dikya (jellyfish) kaya tinangka niya itong kainin. Buti na lamang at binalaan siya ng isang matandang isda na ang plastic ay basura ng tao at nakalalason. Mula noon, naging maingat si Pawi at naging bantay- dagat laban sa mga basura.
Mga Tanong: 1. Saang karagatan nakatira ang pawikang si Pawi? 2. Ano ang katangian ni Pawi na kinagigiliwan ng mga isda? 3. Ano ang akala ni Pawi sa nakita niyang plastic bag? 4. Sino ang nagligtas at nagbabala kay Pawi tungkol sa basura? 5. Ano ang maaari mong gawin upang hindi mapunta ang mga plastik sa dagat?
Kwento 11: Ang Lihim ng Lumang Baul Sariwang-sariwa pa sa alaala ni Luisa ang kwento ng kanyang lolo tungkol sa isang lumang baul na nakatago sa silong ng kanilang bahay. Isang hapon, habang naglilinis ng lumang bodega ang kanyang ama, nakita nila ang baul na nababalutan na ng makapal na alikabok at sapot ng gagamba. May kalawang na ang susi nito, ngunit sa kaunting pilit ay dahan-dahang itong bumukas. Inasahan ni Luisa na makakakita siya ng mga ginto, mamahaling hiyas, o kaya ay nagniningning na mga laruan. Ngunit laking gulat niya nang ang laman nito ay mga lumang litrato ng pamilya, mga kupas na sulat-kamay ng kanyang mga ninuno, at isang lumang orasan. "Ito ang tunay nating kayamanan, Luisa," wika ng kanyang ama habang nakangiti. "Ang kasaysayan ng ating pamilya at ang pagmamahalan na nagdala sa atin kung nasaan tayo ngayon." Doon naunawaan ni Luisa na hindi lahat ng mahalaga ay nakasisilaw o nabibili ng pera; ang mas mahahalagang bagay ay ang mga alaalang nakatago sa puso ng pamilya.
Mga Tanong: 1. Saan nakatago ang lumang baul na binabanggit sa kwento? 2. Ano ang inaasahang makikita ni Luisa sa loob ng baul bago ito buksan? 3. Ano-ano ang mga tunay na laman ng lumang baul nang ito ay mabuksan? 4. Ayon sa ama ni Luisa, ano ang tunay nilang kayamanan? 5. Ano ang mahalagang aral na natutunan ni Luisa tungkol sa mga materyal na bagay at alaala?
Kwento 12: Si Samuel at ang Bagong Kamag-aral Unang araw ng pasukan sa Ikatlong Baitang. Maingay ang silid-aralan dahil abala ang lahat sa pagkuwentuhan tungkol sa kanilang bakasyon. Sa sulok ng silid, napansin ni Samuel ang isang batang lalaki na tahimik lang na nakayuko at mahigpit ang hawak sa kanyang lumang bag. Siya si Mateo, isang bagong lipat na mag-aaral mula sa malayong probinsya. Rinig ni Samuel ang mahinang bulungan ng ilang klasmeyt na tinutukso ang lumang sapatos at kakaibang punto sa pagsasalita ni Mateo. Hindi nagustuhan ni Samuel ang kanyang nakita. Sa halip na sumali sa panunukso, tumayo siya, lumapit kay Mateo, at umupo sa bakanteng upuan sa tabi nito. "Halo! Ako si Samuel. Gusto mo bang sumabay sa akin kumain mamayang recess?" masayang bati ni Samuel. Nabigla si Mateo ngunit dahan-dahang napangiti at tumango. Simula sa araw na iyon, palaging magkasama ang dalawa. Tinulungan ni Samuel si Mateo na makasabay sa mga aralin, at ibinahagi naman ni Mateo ang kanyang kaalaman sa pagguhit. Natutunan ng buong klase na ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nakabase sa hitsura o pinagmulan kundi sa kabutihan ng puso.
Mga Tanong: 1. Bakit tahimik at nakayuko si Mateo sa sulok ng silid-aralan? 2. Ano ang ginawa ng ilang kamag-aral na hindi nagustuhan ni Samuel? 3. Paano ipinakita ni Samuel ang kanyang kabutihang-loob kay Mateo? 4. Ano ang naging kapalit ng mabuting pagtanggap ni Samuel kay Mateo ayon sa kwento? 5. Kung ikaw si Samuel, ano ang gagawin mo kung may makita kang tinutuksong bagong mag-aaral?
Kwento 13: Ang Pangarap ni Maya sa Likod ng Ulap Si Maya ay isang munting ibon na may pangarap na lumipad nang mas mataas pa sa pinakamataas na puno sa kagubatan. Nais niyang makita kung ano ang nasa likod ng makakapal at madidilim na ulap tuwing umaambon. Isang umaga, nagpasya siyang simulan ang kanyang paglalakbay. Habang pataas siya nang pataas, naging malamig ang hangin at naging mabigat ang kanyang mga pakpak dahil sa hamog. Paulit-ulit siyang itinutulak pababa ng malalakas na ihip ng hangin. "Huwag ka nang magpatuloy, Maya! Masyadong mapanganib doon!" sigaw ng mga nakatatandang ibon mula sa ibaba. Napagod si Maya at muntik nang sumuko, ngunit naalala niya ang kanyang pangarap. Huminga siya nang malalim, pinalakas ang pagkapak ng kanyang mga pakpak, at buong tapang na sumusong sa madilim na ulap. Paglampas niya sa kadiliman, isang napakagandang tanawin ang sumalubong sa kanya—ang maliwanag na sikat ng araw na nagbibigay-kulay sa isang magandang bahaghari. Napagtanto ni Maya na ang mga pagsubok at takot ay parang mga ulap lamang na kailangang lampasan upang makita ang ganda ng tagumpay.
Mga Tanong: 1. Ano ang natatanging pangarap ng munting ibon na si Maya? 2. Ano-anong mga hadlang ang naranasan ni Maya habang siya ay lumilipad pataas? 3. Ano ang payo ng mga nakatatandang ibon sa kanya? 4. Ano ang nakita ni Maya nang sa wakas ay makalampas siya sa makakapal na ulap? 5. Ano ang ipinapahiwatig ng kwento tungkol sa pagharap sa mga problema o pagsubok sa buhay?
Kwento 14: Ang Mahiwagang Puno ng Mangga Sa gitna ng bukid ni Lolo Tomas ay may isang matandang puno ng mangga na kilala sa pagiging madamot. Maraming taon na itong hindi namumunga at tuyot ang mga sanga, kaya binalak na itong putulin ng mga taga-baryo upang gawing panggatong. Isang gabi, isang pagod at gutom na matandang pulubi ang nakiusap na mamahinga sa ilalim ng lilim nito. Sa halip na itaboy, tila niyakap ng puno ang matanda sa pamamagitan ng paglalagas ng mga tuyong dahon upang gawing malambot na higaan. Kinaumagahan, laking gulat ng buong baryo nang makitang hitik sa ginintuan at matatamis na bunga ang dating tuyot na puno. Ang matandang pulubi ay wala na, ngunit may naiwang sulat sa katawan ng puno: "Ang kabutihan ay nagbubunga ng kasaganaan." Nalaman ng mga tao na ang puno ay hindi naman talaga madamot, naghihintay lamang ito ng taong magpapakita ng tunay na pagpapahalaga at pangangalaga nang walang hinihinging kapalit. Mula noon, pinangalagaan ng mga taga-baryo ang puno at palagi nilang ibinabahagi ang mga bunga nito sa mga nangangailangan.
Mga Tanong: 1. Bakit binalak putulin ng mga taga-baryo ang matandang puno ng mangga? 2. Sino ang sumilong sa ilalim ng puno isang gabi at ano ang ginawa ng puno para sa kanya? 3. Ano ang nagbago sa puno ng mangga kinaumagahan pag-alis ng matanda? 4. Ano ang nakasaad sa sulat na naiwan sa katawan ng puno? 5. Ano ang pangunahing aral ng kwento tungkol sa paggawa ng kabutihan sa kapwa?
Kwento 15: Si Diego at ang Orasan ng Disiplina Si Diego ay isang batang mahilig maglaro ng mga video games sa kanyang tablet. Gabi-gabi, palagi siyang pinapagalitan ng kanyang ina dahil inaabot siya ng madaling-araw sa paglalaro, na nagiging dahilan ng kanyang huli at tila palaging inaantok na pagpasok sa paaralan. Isang araw, nagkaroon sila ng mahabang pagsusulit sa Math. Dahil puyat at walang lakas mag-isip, nakatulog si Diego sa ibabaw ng kanyang papel at hindi natapos ang pagsusulit. Mababa ang nakuha niyang marka at labis siyang naiyak sa pagsisisi. Napansin ng kanyang Guro ang nangyari at kinausap siya nang masinsinan. Binigyan siya ng guro ng isang maliit na alarm clock. "Diego, ang oras ay hindi bumabalik. Kung gagamitin mo ito sa tamang paraan, magiging matagumpay ka," paalala ng guro. Umuwi si Diego na may bagong pasya. Ginamit niya ang orasan upang i- badyet ang kanyang araw: isang oras para sa takdang-aralin, isang oras para sa paglalaro, at maagang pagtulog sa ganap na alas-otso ng gabi. Sa sumunod na buwan, hindi lamang nagising nang maaga si Diego, kundi siya rin ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa kanilang klase dahil sa kanyang disiplina sa oras.
Mga Tanong: 1. Ano ang naging masamang gawi ni Diego gabi-gabi na naging dahilan ng kanyang problema? 2. Ano ang hindi magandang bunga ng kanyang pagpupuyat noong araw ng pagsusulit? 3. Ano ang iniregalo ng Guro kay Diego upang matulungan siyang magbago? 4. Paano binago ni Diego ang kanyang pang- araw-araw na iskedyul gamit ang orasan? 5. Bakit mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina sa paggamit ng ating oras?
Kwento 16: Ang Alitaptap na Nawalan ng Liwanag Sa isang madilim at masukal na bahagi ng kagubatan ng Isarog, nakatira ang isang munting alitaptap na nagngangalang kislap. Kilala si Kislap sa pagkakaroon ng pinakamaliwanag na ilaw tuwing gabi. Gabi-gabi, ipinagmamalaki niya ito sa kanyang mga kaibigan at hindi niya tinutulungan ang ibang insekto na naliligaw dahil baka raw "maubos" ang kanyang liwanag. Isang gabi, habang nagpapasikat si Kislap sa ibabaw ng isang lawa, biglang umihip ang isang napakalakas at malamig na hanging dala ng bagyo. Nabasa ang kanyang mga pakpak at sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang namatay ang kanyang ilaw. Natakot si Kislap dahil hindi na niya makita ang daan pauwi sa kanyang puno. Napaiyak siya sa dilim. Habang nakaupo sa isang basang dahon, isang grupo ng mga ordinaryong alitaptap ang lumapit sa kanya. Kahit hindi sila ganoon kaliwanag, nagsama- sama sila upang maghatid ng sapat na ilaw para kay Kislap. Binigyan din nila ito ng mainit na masisilungang dahon. Dahil sa kabutihan ng kanyang mga kapwa alitaptap, unti-unting bumalik ang liwanag ni Kislap, ngunit sa pagkakataong ito, may kasama na itong init ng pagpapakumbaba. Mula noon, ginamit na niya ang kanyang liwanag upang maging gabay ng lahat.
Mga Tanong: 1. Ano ang natatanging katangian ni Kislap noong simula ng kwento? 2. Bakit tumatanggi si Kislap na tulungan ang mga insektong naliligaw? 3. Ano ang naging sanhi ng pagkawala ng liwanag ni Kislap? 4. Paano tinulungan ng ibang mga alitaptap si Kislap nang siya ay mawalan ng ilaw? 5. Ano ang mahalagang aral na natutunan ni Kislap tungkol sa pagbabahagi ng kanyang talento o kakayahan?
Kwento 17: Ang Pera sa Basket ng Labahan Araw ng Sabado at abala ang pamilya ni Jojo sa paglilinis ng bahay. Dahil si Jojo ang panganay na anak sa tatlong magkakapatid, ang nakatoka sa kanyang tungkulin ay ang pag-iipon at pag-uuri ng mga maruruming damit sa basket bago ito labhan ng kanyang ina. Habang kinukuha niya ang isang maong na pantalon ng kanyang ama, may naramdaman siyang matigas na bagay sa bulsa nito. Nang dukutin niya ito, laking gulat niya nang makakita ng isang lumang limang daang piso (₱500) na nakatupi nang maliit. Biglang naglakbay ang isip ni Jojo. Naalala niya ang laruang robot na matagal na niyang nakikita sa tindahan sa tapat ng kanilang paaralan. Kasya na ang perang hawak niya para bilhin iyon, at sigurado siyang hindi na maalala ng kanyang tatay ang perang naiwan sa bulsa. Tiningnan ni Jojo ang pera, ngunit bigla niyang naalala ang turo ng kanyang guro sa EsP (Edukasyon sa Pagpapakatao) tungkol sa katapatan. Naalala rin niya ang pagod ng kanyang magulang sa pagtatrabaho. Huminga nang malalim si Jojo, lumabas ng kwarto, at agad na iniabot ang pera sa kanyang ama. Nagulat ang kanyang tatay at tuwang-tuwa na niyakap si Jojo. Bilang gantimpala sa kanyang katapatan, binigyan siya ng kanyang tatay ng sapat na baon at pinayagan siyang mamili ng libro sa Linggo.
Mga Tanong: 1. Ano ang tungkulin ni Jojo sa bahay tuwing Sabado? 2. Ano ang nakita ni Jojo sa loob ng bulsa ng pantalon ng kanyang ama? 3. Ano ang unang pumasok sa isip ni Jojo na gawin sa perang kanyang nahanap? 4. Bakit nagbago ang isip ni Jojo at napagpasyahang isauli ang pera? 5. Paano pinatunayan ni Jojo na ang katapatan ay may magandang ibinubunga?
Kwento 18: Si Kaloy at ang Sapatos na Goma Si Kaloy ay isang batang mahilig tumakbo. Pangarap niyang sumali sa patimpalak ng pagtakbo sa kanilang darating na "Sports Fest" sa paaralan. Subalit, may isang malaking suliranin si Kaloy—ang kanyang nag-iisang sapatos na goma ay luma na, may butas sa unahan, at halos humihiwalay na ang swelas. Alam niyang walang sapat na pera ang kanyang ina na isang tindera ng kakanin upang ibili siya ng bago. Imbis na magmukmok, nag-isip ng paraan si Kaloy. Humingi siya ng tulong kay Mang tito, ang tapat na magsasapatos sa kanilang kanto. Gamit ang rugby at matibay na sinulid, tinahi at hiningan ng lunas ni Mang Tito ang sapatos ni Kaloy nang libre. "Ang bilis ng paa ay wala sa ganda ng sapatos, Kaloy, nasa tibay ng iyong loob," nakangiting sabi ng matanda. Araw ng paligsahan, suot ni Kaloy ang kanyang tinahi na sapatos. Noong una, nahihiya siya dahil nagniningning ang mga sapatos ng kanyang mga kalaban. Ngunit nang tumunog ang pito bilang hudyat ng simula, binuos ni Kaloy ang lahat ng kanyang lakas. Tumakbo siya na parang hangin, hindi iniisip ang butas sa kanyang sapatos kundi ang pangarap na magbigay ng karangalan sa kanyang ina. Sa huli, si Kaloy ang unang nakatapak sa finish line at nag-uwi ng gintong medalya.
Mga Tanong: 1. Ano ang pangarap ni Kaloy na nais niyang isakatuparan sa paaralan? 2. Ano ang naging suliranin ni Kaloy sa kanyang sapatos? 3. Paano binigyang-solusyon ni Kaloy ang problema sa kanyang sapatos sa tulong ni Mang Tito? 4. Ano ang mahalagang payo na ibinigay ni Mang Tito kay Kaloy bago ang paligsahan? 5. Ano ang nagpatunay sa kwento na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng tagumpay?
Kwento 19: Ang Lihim na Bayani ng Silid-Aklatan Si Aling Marta ang matagal nang tagapangalaga o librarian ng silid-aklatan sa Mababang Paaralan ng San Roque. Siya ay isang matandang babae na may salamin at palaging may bitbit na basahan at platero. Para sa maraming mag- aaral, si Aling Marta ay tila strikto dahil palali siyang sumasaway sa mga batang maingay. Ngunit para sa batang si Elena, si Aling Marta ay isang lihim na bayani. Isang araw, naiwan si Elena sa silid-aklatan dahil malakas ang ulan at huli siyang susunduin ng kanyang mga magulang. Habang naghihintay, napansin ni Elena na hindi lang pala nag-aayos ng libro si Aling Marta. Nakita niya kung paano dahan-dahang pinagdidikit ng matanda ang mga punit na pahina ng mga lumang textbook gamit ang tape upang magamit pa ng mga susunod na mag- aaral. Nakita rin niya na may maliit na lalagyan si Aling Marta ng mga naiwang lapis at pambura na kanyang nililinis upang ibigay sa mga batang walang pambili. Lumapit si Elena at nagboluntaryong tumulong sa pag-aayos ng mga aklat. Doon nalaman ni Elena na kaya pala strikto si Aling Marta ay dahil labis niyang minamahal ang mga libro at nais niyang tumagal ang mga ito para sa edukasyon ng mga bata. Mula noon, hindi na natakot ang mga bata kay Aling Marta, at marami na ang sumali sa "Library Club" upang maging katuwang sa pag-aalaga ng karunungan.
Mga Tanong: 1. Ano ang trabaho ni Aling Marta sa Mababang Paaralan ng San Roque? 2. Bakit akala ng maraming mag-aaral noong una ay strikto si Aling Marta? 3. Ano-anong mga lihim na mabubuting gawa ang nakita ni Elena na ginagawa ni Aling Marta? 4. Bakit ganoon na lamang ang paghihigpit at pag-aalaga ni Aling Marta sa mga libro sa silid- aklatan? 5. Paano mo maipapakita ang pagpapahalaga sa mga kagamitan sa loob ng inyong sariling paaralan?
Kwento 20: Ang Hiling ni Gab sa Likod-Bahay Si Gab ay isang batang laking-lungsod na sanay sa panonood ng telebisyon at paglalaro sa computer. Nang magkaroon ng mahabang bakasyon, dinala siya ng kanyang mga magulang sa tahanan ng kanyang Lolo Isro sa isang maliit na isla. Noong unang dalawang araw, nainis si Gab dahil walang signal ng internet at walang mall na mapasyalan. Palagi siyang nakaupo sa tapat ng bintana at nagrereklamo. Isang hapon, niyaya siya ni Lolo Isro sa likod-bahay kung saan may isang maliit na sapa na may malinaw na tubig. "Dito tayo maglalaro, Gab," wika ng matanda habang may hawak na piraso ng mga tuyong kawayan at dahon. Tinuruan ni Lolo Isro si Gab na gumawa ng mga bangkang gawa sa dahon ng saging at kawayan. Pagkatapos, ipinaanod nila ito sa sapa at nagpaligsahan sila kung aling bangka ang mas mabilis. Laking gulat ni Gab nang maramdaman ang kakaibang saya na hindi niya naramdaman sa paglalaro ng computer. Narinig niya ang huni ng mga ibon, naramdaman ang malamig na simoy ng hangin, at nakita ang mga ligaw na bulaklak. Napagtanto ni Gab na ang totoong mundo sa labas ng teknolohiya ay puno ng mahiwagang mga bagay na naghihintay lamang na tuklasin. Nang araw na umuwi sila sa Maynila, bitbit ni Gab ang kanyang sariling gawang bangkang kawayan at isang pusong natutong magpahalaga sa kalikasan.
Mga Tanong: 1. Bakit nainis at nagreklamo si Gab noong unang mga araw niya sa isla nina Lolo Isro? 2. Ano ang ginawa ni Lolo Isro upang aliwin ang kanyang apo na si Gab? 3. Anong uri ng laruan ang ginawa nina Gab at Lolo Isro mula sa kalikasan? 4. Ano ang napagtanto ni Gab tungkol sa pagkakaiba ng paglalaro sa computer at paglalaro sa labas ng bahay? 5. Bakit mahalaga para sa isang bata ang magkaroon ng panahon na maglaro sa kalikasan at bawasan ang paggamit ng gadgets?
Kwento 21: Ang Saranggola ni Benjie Papalapit na ang taunang paligsahan ng palilipad ng saranggola sa Baryo Maligaya. Gabi-gabi, abala ang mga bata sa pagbili ng mga mamahalin at makukulay na saranggola na gawa sa plastik at may disenyo ng mga sikat na superhero. Si Benjie naman ay nakatingin lamang sa kanila. Alam niyang walang pera ang kanyang mga magulang para sa ganoong karangyaan. Sa halip na malungkot, nag-ipon si Benjie ng mga patpat ng kawayan sa kanilang likod-bahay. Humingi siya ng mga lumang pahayagan kay Aling marta at gumamit ng natirang kaning-lamig bilang pandikit. Gumawa siya ng isang tradisyunal na saranggolang boka-boka. Noong araw ng paligsahan, pinagtawanan ng ilang bata ang saranggola ni Benjie dahil mukha raw itong luma at walang kulay. Ngunit nang umihip ang malakas na hangin, isa-isang bumagsak at napunit ang mga saranggolang plastik ng ibang bata dahil masyadong mabigat ang mga dekorasyon nito. Ang saranggola ni Benjie, dahil magaan at balanse ang pagkagawa, ay lumipad nang napakataas—halos umabot na sa ulap. Natutunan ng mga bata na ang tibay at galing ng isang bagay ay wala sa ganda ng panlabas na hitsura, kundi sa sipag at tiyaga ng gumawa nito.
Mga Tanong: 1. Ano ang katangian ni Clara noong simula ng kwento at ano ang kanyang talento? 2. Anong patimpalak ang inanunsyo ng punong-guro sa paaralan? 3. Ano ang naging mensahe o disenyo ng ipinintang poster ni Clara? 4. Sino ang nagpatatag ng loob ni Clara upang sumali sa paligsahan? 5. Ano ang natutunan ni Clara tungkol sa tunay na kahulugan ng sining at pagtitiwala sa sarili?
Kwento 22: Ang Mahiwagang Pinta ni Clara Si Clara ay isang mahiyain ngunit napakalikhaing bata sa Ikatlong Baitang. Madalas siyang maupo sa ilalim ng puno ng mangga hawak ang kanyang lumang watercolor set. Isang araw, inanunsyo ng kanilang punong-guro na magkakaroon ng "Poster Making Contest" para sa Buwan ng Kapaligiran. Ang tema ay tungkol sa pangangalaga sa mga hayop sa kagubatan. Nais sumali ni Clara, ngunit natatakot siya na baka hindi magustuhan ng iba ang kanyang gawa. "Magtiwala ka sa iyong kakayahan, Clara," pagpapatatag ng loob ng kanyang guro. Dahil dito, kumuha ng lakas ng loob si Clara. Ipininta niya ang isang kagubatan kung saan ang mga puno ay may mga kamay na yumayakap sa mga ibon at usa, at ang ilog naman ay tila isang malinis na salamin. Gumamit siya ng mga maliliwanag na kulay na nagpapakita ng pag-asa. Noong araw ng paghuhusga, marami ang namangha sa lalim ng kahulugan ng kanyang pinta. Hindi man ito ang may pinakamaraming dekorasyon, ito naman ang nagpakita ng pinakatapat na mensahe. Si Clara ang hinirang na kampeon. Mula noon, natutunan ni Clara na ang sining ay hindi lang tungkol sa pagiging perpekto, kundi sa pagbabahagi ng nilalaman ng iyong puso at isipan.
Mga Tanong: 1. Ano ang katangian ni Clara noong simula ng kwento at ano ang kanyang talento? 2. Anong patimpalak ang inanunsyo ng punong- guro sa paaralan? 3. Ano ang naging mensahe o disenyo ng ipinintang poster ni Clara? 4. Sino ang nagpatatag ng loob ni Clara upang sumali sa paligsahan? 5. Ano ang natutunan ni Clara tungkol sa tunay na kahulugan ng sining at pagtitiwala sa sarili?
Kwento 23: Si Popoy at ang Nawawalang Pusa Si Aling selya ay isang matandang naninirahan mag-isa sa dulo ng kalsada. Ang tanging kasama niya ay si Muning, isang matabang pusang kulay puti na may itim na batik sa mata. Isang umaga, umiiyak si Aling Selya sa kanyang bakuran dahil tatlong araw na palang hindi umuuwi si Muning. Nakita siya ng magkakaibigang Popoy, Kiko, at Lolit habang papasok sila sa paaralan. "Huwag po kayong mag-alala, Aling Selya, tutulungan po namin kayong maghanap pagkatapos ng aming klase," pangako ni Popoy. Nang hapon ding iyon, binuo ng tatlo ang "Oplan Hanap Muning." Naghati-hati sila ng lugar: si Kiko ay naghanap sa may palengke, si Lolit sa gilid ng simbahan, at si Popoy naman sa may malaking bodega. Pagkaraan ng isang oras, narinig ni Popoy ang isang mahinang "meow" mula sa loob ng isang lumang gulong sa likod ng bodega. Laking tuwa niya nang makitang nandoon si Muning, ngunit hindi makalabas dahil napasok ang kanyang paa sa isang maliit na lubid. Agad itong tinulungan ni Popoy at sama-sama nilang ibinalik ang pusa kay Aling Selya. Ang luha ng matanda ay napalitan ng malaking ngiti at masasarap na kakanin bilang pasasalamat sa tatlong bata.
Mga Tanong: 1. Sino ang tanging kasama ni Aling Selya sa kanyang bahay? 2. Bakit umiiyak si Aling Selya nang makita siya ng mga bata isang umaga? 3. Paano nagtulungan sina Popoy, Kiko, at Lolit sa paghahanap sa pusa? 4. Saan at sa anong kalagayan nahanap ni Popoy si Muning? 5. Anong magandang katangian ang ipinakita ng magkakaibigan sa kanilang kapitbahay?
Kwento 24: Ang Leksyon ng Batang Langgam Sa isang malaking burol ng lupa, nakatira ang magkapatid na langgam na sina Lando at Lucas. Si Lando ang matandang langgam na palaging seryoso sa pag-iipon ng pagkain tulad ng mga butil ng asukal at mumo ng tinapay. Si Lucas naman ay ang bunsong kapatid na mas gustong maglaro, magpadulas sa mga dahon, at matulog sa ilalim ng lilim ng mga bulaklak tuwing tag-araw. "Lucas, mag-ipon ka na ng pagkain. Malapit na ang panahon ng tag-ulan at baka tayo ay magutom," paalala ni Lando. Ngunit tumawa lang si Lucas at sinabing, "Matagal pa ang ulan, Kuya! Mag-enjoy muna tayo!" Isang araw, biglang nagdilim ang langit at bumuhos ang isang napakalakas na bagyo na tumagal ng isang linggo. Baha sa labas at napakalamig. Gatiting na dumi o pagkain ay walang mahanap si Lucas sa labas. Pumasok siya sa kanilang kwarto na nanginginig sa ginaw at gutom. Doon niya nakita si Lando na masayang kumakain ng mga naipong pagkain sa isang tuyo at ligtas na sulok. Hindi siya tiniis ng kanyang kuya; binigyan siya nito ng pagkain at niyakap. Dahil sa karanasang iyon, napagtanto ni Lucas na ang pagiging handa para sa kinabukasan ay napakahalaga upang hindi maghirap sa huli.
Mga Tanong: 1. Sino ang dalawang magkapatid na langgam at ano ang pagkakaiba ng kanilang ugali? 2. Ano ang naging paalala ni Lando kay Lucas tuwing tag-araw? 3. Anong biglaang pangyayari ang nagbago sa kalagayan ng kapaligiran? 4. Ano ang naging epekto kay Lucas ng hindi niya pakikinig sa paalala ng kanyang kuya? 5. Kung ikaw si Lucas, ano ang gagawin mo upang hindi maranasan ang ganoong gutom?
Kwento 25: Ang Pangkat nina Jayson sa Proyekto Binigyan ng isang pangkatang gawain ng kanilang guro sa Agham (Science) ang klase nina Jayson. Kailangan nilang gumawa ng isang modelo ng "Water Cycle" gamit ang mga patapong kagamitan. Napunta sa isang pangkat sina Jayson na mahusay magplano, si Lea na magaling gumuhit, si Totoy na malakas magbuhat, at si Mia na mahiyain ngunit napakalinis mag-ayos ng mga bagay. Noong una, nagkaroon sila ng pagtatalo dahil magkakaiba ang kanilang ideya. Gusto ni Jayson na karton ang gamitin, habang gusto naman ni Lea ay plastic na bote. Napansin ni Jayson na walang natatapos dahil sa kanilang pag-aaway. Kaya bilang pinuno, pinatahimik niya ang lahat at pinagsama- sama ang kanilang mga mungkahi. Ginamit nila ang karton bilang basehan at ang mga plastik na bote bilang mga ulap at patak ng ulan. Iginuhit ni Lea ang mga detalye, binuhat ni Totoy ang mga mabibigat na kahoy para sa suporta, at si Mia naman ang nag-ayos ng huling disenyo upang maging malinis tingnan. Ang kanilang proyekto ang naging pinakamaganda sa buong baitang. Natutunan ng pangkat na ang tagumpay ng isang grupo ay hindi nakasalalay sa iisang tao lamang, kundi sa pagtanggap at pagpapasiklab sa iba't ibang galing ng bawat kasapi.
Mga Tanong: 1. Ano ang naging takdang-aralin o proyekto ng pangkat nina Jayson sa asignaturang Agham? 2. Ano ang naging problema ng pangkat sa simula ng kanilang pagpupulong? 3. Paano hinarap at rinisolba ni Jayson ang pagtatalo ng kanyang mga kasamahan? 4. Ano-ano ang naging partikular na ambag o tulong ng bawat kasapi (Lea, Totoy, Mia) sa proyekto? 5. Bakit mahalaga ang pagkakaisa at kooperasyon sa mga gawaing pampangkat sa paaralan?
Kwento 26: Ang Alkansiyang Kawayan ni Nonoy Malapit na ang Pasko at abala ang mga kaibigan ni Nonoy sa pag-uusip kung ano ang hihilingin nilang regalo sa kanilang mga magulang. Ang iba ay gusto ng bagong sapatos, mamahaling laruan, at bagong damit. Si Nonoy naman ay may ibang plano. Mula pa noong buwan ng Enero, binigyan siya ng kanyang Lolo Tsino ng isang alkansiyang gawa sa natirang kawayan. Araw-araw, bago pumasok sa paaralan, tinitiyak ni Nonoy na may naitatabi siyang limang piso o sampung piso mula sa kanyang baon. Sa halip na bumili ng mga sitsirya o laruang mabilis masira sa labas ng eskwelahan, iniipon niya ito. "Ang munting patak ng tubig, kapag naglaon ay nagiging ilog," palaging paalala sa kanya ng kanyang lolo. Isang linggo bago ang Pasko, dinala ni Nonoy ang kanyang alkansiya sa sala at sa tulong ng kanyang ama, dahan-dahan itong biniyak. Laking gulat nila nang bumuhos ang maraming barya at ilang perang papel. Sapat ang naipon ni Nonoy upang ibili ang kanyang ina ng bagong kaldero dahil may butas na ang gamit nito, at may natira pa para sa isang simpleng salu-salo ng pamilya. Napatunayan ni Nonoy na ang tunay na diwa ng Pasko ay nasa pagbibigay, at ito ay nagiging mas matamis kung nagmula sa sariling sikap at pagtitipid.
Mga Tanong: 1. Ano ang ibinigay ng lolo ni Nonoy sa kanya noong buwan ng Enero? 2. Paano pinunan ni Nonoy ang kanyang alkansiyang kawayan araw-araw? 3. Ano ang naging payo o paalala ng lolo ni Nonoy tungkol sa pag-iipon? 4. Saan ginamit ni Nonoy ang perang kanyang naipon nang biakin ang alkansiya? 5. Ano ang mahalagang leksyon na itinuturo ng kwento tungkol sa pagtitipid at pagbibigay?
Kwento 27: Ang Pagbabalik ng mga Agila Si Tikboy ay isang batang nakatira sa paanan ng Bundok Apo. Ang kanyang ama ay isang dating mangingisda na ngayon ay nagtatrabaho bilang isang "Forest Ranger" o tagabantay ng gubat. Madalas sumama si Tikboy sa kanyang ama sa paglalakad sa kagubatan upang magtanim ng mga bagong puno at tingnan ang kalagayan ng mga ligaw na hayop. Isang araw, habang sila ay nagpapahinga sa ilalim ng isang malaking puno ng Lawaan, nakarinig sila ng isang kakaibang huni mula sa itaas. Nang tingnan ng kanyang ama gamit ang teleskopyo, nakita nila ang isang pugad ng Haribon o Philippine Eagle. May pamilya ng agila na bumalik sa bahaging iyon ng gubat, at mayroon pa itong isang munting itlog. Labis na natuwa ang ama ni Tikboy dahil matagal nang walang nakikitang agila doon dahil sa mga taong pumuputol ng puno. "Tikboy, ang pagbabalik nila ay senyales na muling nabubuhay at nagiging ligtas ang ating gubat," wika ng kanyang ama. Nangako si Tikboy na mag- aaral siya nang mabuti upang balang araw ay maging isang ganap na siyentipiko o doktor ng mga hayop upang patuloy na protektahan ang mga endangered na hayop sa Pilipinas. Naunawaan niya na ang kaligtasan ng mga hayop ay kaligtasan din ng mga tao.
Mga Tanong: 1. Ano ang trabaho ng ama ni Tikboy sa paanan ng Bundok Apo? 2. Anong pambihirang hayop ang nakita nina Tikboy at ng kanyang ama sa itaas ng puno? 3. Bakit itinuturing na magandang balita ang pagbabalik ng mga agila sa kagubatan? 4. Ano ang pangarap na nabuo sa isip ni Tikboy dahil sa kanyang nasaksihan? 5. Paano mo maipapakita ang pagmamahal at pangangalaga sa mga hayop, kahit sa inyong bakuran?
Kwento 28: Ang Sopas ng Pasasalamat Isang gabi, biglang sumakit ang tiyan ng ina ni Kakay. Dahil nasa malayong probinsya ang kanyang ama upang magtrabaho sa konstruksyon, si Kakay na nasa Ikatlong Baitang ang nag-iisang kasama ng ina. Natakot si Kakay at hindi malaman ang gagawin habang nakikitang namimilipit sa sakit ang kanyang ina. Kumatok si Kakay sa kanilang kapitbahay na si Aling tasing. Kahit hatinggabi na, hindi nag-atubili si Aling Tasing. Agad niyang tinawagan ang traysikel ng kanyang asawa at dinala nila ang ina ni Kakay sa pinakamalapit na bayan upang masuri ng doktor. Lumabas na may nakain lang na hindi maganda ang ina ni Kakay at nabigyan agad ng tamang gamot. Ligtas silang nakauwi kinaumagahan. Upang magpasalamat, maagang gumising si Kakay kinabukasan. Gamit ang kanyang natitirang kaunting pera mula sa baon, bumili siya ng mga sangkap at nagluto ng isang mainit na sopas ng manok sa tulong ng kanyang ina. Inihandog niya ito kay Aling Tasing habang may kasamang sulat na nagsasabing, "Salamat po sa pagiging anghel sa aming pamilya." Natutunan ni Kakay na ang mabuting gawa ng kapwa ay hindi dapat kinakalimutan, at ang pagpapasalamat ay nagpapatibay ng samahan ng magkakapitbahay.
Mga Tanong: 1. Ano ang naging biglaang suliranin ni Kakay isang gabi habang wala ang kanyang ama? 2. Paano tinulungan ni Aling Tasing ang pamilya ni Kakay sa oras ng pangangailangan? 3. Ano ang ginawa ni Kakay kinabukasan upang ipakita ang kanyang pasasalamat? 4. Ano ang nakasulat sa liham na ibinigay ni Kakay kay Aling Tasing? 5. Bakit mahalaga ang magkaroon ng mabuting ugnayan at pagtutulungan sa ating mga kapitbahay?
Kwento 29: Ang Kampeon sa Pagbasa Si Ramil ay isang batang laki sa isang komunidad ng mga mangingisda. Mahilig siyang makinig sa mga kwento ng kanyang lolo tungkol sa dagat, ngunit mayroon siyang malaking takot—ang magbasa sa harap ng klase. Tuwing tinatawag siya ng kanyang guro na si Bb. Santos upang magbasa ng mga talata sa Filipino o English, nauutal si Ramil, pinagpapawisan ang mga kamay, at kung minsan ay naiiyak na lamang. Napansin ito ni Bb. Santos kaya imbes na pagalitan, pinanatili niya si Ramil pagkatapos ng klase para sa isang "Reading Remediation." Binigyan niya si Ramil ng mga kwentong may malalaking titik at maraming makukulay na larawan. "Huwag kang magmadali, Ramil. Ang pagbasa ay parang paglangoy, unti-unti lang hanggang sa masanay ang iyong katawan," malambing na sabi ng guro. Araw-araw ay nagsanay si Ramil. Kahit sa bahay, bago matulog, binabasa niya nang malakas ang mga kwento sa kanyang munting kapatid. Pagkaraan ng tatlong buwan, nagkaroon ng patimpalak sa pagbasa sa kanilang paaralan para sa "Book Week." Buong tapang na sumali si Ramil. Nang umakyat siya sa entablado, malinaw, may damdamin, at napakabilis niyang nabasa ang kwento. Siya ang itinanghal na "Kampeon sa Pagbasa" ng Ikatlong Baitang.
Mga Tanong: 1. Ano ang naging malaking takot o kahinaan ni Ramil sa simula ng kwento? 2. Paano tinulungan ni Bb. Santos si Ramil upang malampasan ang kanyang takot sa pagbasa? 3. Ano ang naging paghahanda o pagsasanay na ginawa ni Ramil sa kanilang bahay? 4. Anong parangal ang nakuha ni Ramil sa pagtatapos ng patimpalak sa "Book Week"? 5. Ano ang ipinapakita ng kwento tungkol sa kahalagahan ng pagtitiyaga at patuloy na pagsasanay?
Kwento 30: Ang Pangarap sa Ilalim ng Bituin Ito ang huling gabi ng klase para sa taong pampanuruan sa Ikatlong Baitang. Si santiago ay nakahiga sa isang banig sa kanilang balkonahe habang nakatingin sa nagniningning na kalangitan na puno ng mga bituin. Hawak niya ang kanyang report card kung saan nakasulat na siya ay kabilang sa mga nangungunang mag-aaral na aakyat sa Ikaapat na Baitang. Naalala ni Santiago ang lahat ng kanyang pinagdaanan sa taong ito: ang mga gabing nag-aaral siya gamit lamang ang gasera kapag nawawalan ng kuryente, ang paglalakad sa putikan tuwing umuulan, at ang pagtitiis na walang bagong gamit sa eskwela. Ngunit tiningnan niya ang kanyang mga magulang na mahimbing na natutulog dahil sa pagod sa pagtatrabaho sa bukid, at nakaramdam siya ng matinding lakas ng loob. "Balang araw, magiging isang tanyag na inhenyero ako. Patatayuan ko ng matibay na bahay sina Nanay at Tatay, at gagawan ko ng tulay ang ating baryo," bulong ni Santiago sa isang nahuhulog na bituin (shooting star). Alam ni Santiago na mahaba pa ang kanyang lalakbayin at marami pang librong babasahin, ngunit baon ang kanyang sipag, pananampalataya, at pagmamahal sa pamilya, sigurado siyang maaabot niya ang kanyang mga pangarap sa itaas.
Mga Tanong: 1. Ano ang hawak ni Santiago habang nakahiga sa balkonahe at ano ang nakasaad dito? 2. Magbigay ng dalawang pagsubok na naranasan ni Santiago sa kanyang pag-aaral sa Grade 3. 3. Ano ang pangarap na nais marating ni Santiago para sa kanyang pamilya at pamayanan? 4. Sino ang nagsisilbing inspirasyon ni Santiago upang magsumikap sa buhay? 5. Ano ang pinakamahalagang aral na natutunan mo sa buong librong ito para sa iyong sariling pag-aaral?
