METRO NOIR From the closet of Marc Nicolai First Draft - 08/29/2026 Second Draft - 09/06/2026 Third Draft - 09/08/2026 Gagalangin, Tondo, Manila +63 946 5633 871

LOGLINE Isang supot ng perang pang-inuman ang mauuwi sa pag-aayos ng libing at sa mga naiwang gamit sa Tondo, na magpapaningas ng hinala at susubok sa natitirang relasyon ng magbabarkada. SYNOPSIS Sa mga abalang kalsada ng Tondo, sina Tomas, Badong, at Lotlot ay sabay-sabay na humaharap sa biglaang pagpanaw ng kanilang kasamang si Ejhay. Nagtungo sila sa barangay hall bitbit ang supot ng perang buwan nilang pinag-ipunan para sana sa isang simpleng lakad at inuman sa Cubao Expo. Ngunit sa halip na iyon ang matuloy, inilaan nila ang pondo para pambayad sa burial form at sa mga kinakailangang dokumento sa paglilibing. Habang abala sila sa pag-aasikaso sa gitna ng mga residenteng kumukuha ng ayuda, tanging mga tipid na sulyap at buntong-hininga ang namamagitan sa magkakaibigan. Matapos makuha ang burial form, sa pagtahak nila sa pamilyar na daan pabalik ng riles, sunod-sunod na lumitaw ang mga naiwang personal na gamit ng yumao sa paligid. Dahil dito, tuluyang nagkainitan at nagkasagutan ang magkakaibigan na siya ring nagpausbong ng mga salitang nagtanim ng mas malalim na hinala sa pagitan nila. Sa gitna ng bumibigat na tensyon, pinili pa rin nilang ituloy ang biyahe patungong Cubao Expo. Sakay ng e-jeep habang binabagtas ang abalang lansangan ng lungsod, magkakasama silang lumulubog sa sari-sariling iniisip. May mga sikretong pilit itinatago, mga tanong na walang sumusubok bumigkas, at bigat ng alaalang patuloy nilang dinadala hanggang sa umabot sila sa destinasyon, bitbit ang pag-asa na malinawan bago pa man sila abutan ng isang tawag mula sa barangay.

1. INT. KALSADA PALIKO NG RILES - GABI/MADALING ARAW Isang mahaba, tahimik, at mabigat na kuha. Kumakapit ang malabong asul at kahel na ilaw mula sa mga nagtataasang pader sa makipot at basang daan—puro tagas ng lumang aircon, nakabiting kawad ng kuryente, at lumang poster ng pulitiko na kalahati nang natanggal at nakawagayway sa pader. Mula sa kadiliman, maririnig ang kalansing ng mga barya sa bulsa, ang paulit-ulit at alon-along kaluskos ng tsinelas na sumasayad sa pinong graba, at ang mabibigat, paos na paghinga. Lumitaw sina TOMAS (19) at EJHAY (22) mula sa kanto ng sementadong kalsada, papasok sa eskinita paliko ng riles. Si Tomas, nakakunot ang noo at mugto ang mata sa puyat, ay nakaakbay nang mahigpit kay Ejhay para saluhin ang buong bigat nito. Lasing na lasing si Ejhay—nakakayuko, basa ng pawis ang batok, at tila walang buto ang mga tuhod sa bawat hakbang, kaya ang bawat yabag niya ay malambot at lumalampas sa tsinelas. Sa gilid ng daan, may isang pusang itim na natutulog sa ibabaw ng basyong plastic crate malapit sa basurahan, habang nakaguhit sa dingding ang kupas na mukha ng kandidato sa ilalim ng kumikidlat-kidlat na bumbilya. EJHAY pautal-utal, lasing Bitawan mo 'ko. Kaya ko pa maglakad. Hindi tatanggalin ni Tomas ang pagkakaakbay. EJHAY Bitaw. Tatanggalin ni Ejhay ang kamay ng binata sa balikat nito ngunit pilit itong ibabalik ni Tomas. TOMAS Kulet neto, oh. Tatanggalin muli ng lasing ang kamay nito. EJHAY pikon Isa pa, Choi. TOMAS Je, ano ba? Habang pilit na kumakalas at nagpupumiglas si Ejhay para lumapit sa tabi ng natutulog na pusa, sa ilalim ng kupas na poster ng pulitiko, nawalan ito ng balanse. Sumalisi ang suot nitong tsinelas sa basang lumot sa gilid ng konkretong gutter. ( ) ( ) 2.

Isang mabilis na pagdulas. MATCH CUT TO: 2. INT. BARANGAY HALL - TANGHALI Makikita ng biglaang pagkabutas ng basang ilalim ng lumang paperbag na may nakasulat na "para sa shot sa Cubao Expo" gamit ang kupas na pentel pen, at ang sunud-sunod at matinis na pagtagas ng mga barya na dire-diretsong lumagapak sa malamig at sirang tiles flooring ng barangay hall. Mapapabalikwas si Tomas sa pagkakatulog sa kinauupuan niya sa pangalawang silya ng pila, pilit na sinasalo ang nalalabing laman habang kumakalasing ang mga barya sa sahig. Nakatayo sa tabi niya si BADONG (23), nagseselpon. Magugulat din. Mabilis na mapapabangon ang tingin nito mula sa selpon at dali-daling sasaluhin ang mga nahuhulog na barya. RESIDENTE NG BARANGAY Salamat, kap. Sa uulitin po! Nakangiting lalabas ang residente ng barangay, bitbit ang isang brown envelope na naglalaman ng ayuda na may hindi malamang halaga. Agad agad namang susulong ng pwesto ang dalawa sa harap ng desk ng chairman, ilalapag ang mga perang nalaglag mula sa paperbag. CHAIRMAN Nasa'n ba ang pamilya nito at kayo ang nag-aasikaso? Dahan-dahang mapapatingin ang binata kay Tomas. CHAIRMAN Badong? BADONG buo ang loob, confident Ah, nasa abroad po, Kap. Sa Dubai po nagtatrabaho ‘yung nanay, tapos ‘yung ama ewan, matagal nang nawawala. Pero may pinadala naman pong authorization letter dito sa amin. Pati kopya ng ID. Kaya kami na ang pinag-asikaso rito para mabilis. CHAIRMAN Aba, eh nasaan ‘yung letter? Ipakita niyo nga rito para may hawak akong patunay sakaling hanapin ng munisipyo. Mula sa bulsa ni Badong, ilalabas nito ang dalawang tupi- tuping papel na may authorization letter at photocopy ng isang ID. ( ) 3.

Titignan ito ng chairman at babaling ng tingin sa dalawa. CHAIRMAN mahinahong boses, nakangiti Pero alam niyo namang may bayad pa sa pag-proseso ng pampalibing at mabilisang lagda rito, 'di ba? Tatango lang ito at ilalatag nang maayos sa harap ng chairman ang mga pera mula sa nabutas na paper bag. Matapos ang ilang saglit, makikita ang isang mariin at mabigat na pagbagsak ng selyo ng chairman sa ibabaw ng clearance at burial assistance form. Ang basang tunog ng tinta ay babasag sa tahimik na silid. Ibababa ni Badong ang hawak na paperbag at pipirma sa ibabang bahagi ng papel. Habang sa background, kitang-kita ang mga ng residente bitbit ang libreng sobreng ayuda ng barangay. Si Tomas naman, mananatiling nakatingin sa sahig habang dahan- dahang kumakawala ang mabigat niyang hininga. CUT TO: 3. EXT. TAPAT NG BARANGAY HALL - TANGHALI Tumama ang matinding sikat ng araw sa alikabok sa labas ng barangay. Mainit, masakit sa matang puyat, at basang-basa ng pawis ang batok nina Tomas at Badong habang humahakbang sila pababa ng hagdan. Bitbit ni Badong ang manipis na form na may sariwa pang tinta ng selyo, isinusuksok ito sa likod ng pang-ibabang suot habang hawak ang cellphone sa kabilang kamay. Sa tabi niya, tahimik na nakasunod si Tomas. Mahigpit nitong sinisiksik sa kili-kili ang nayuping paperbag. Sa gilid ng kalsada, isang pamilyang kakakuha lang ng ayuda ang nagsisiksikan sa lilim ng isang payong, masayang binibilang ang laman ng brown envelope habang nagtatawanan. Hindi lumilingon ang dalawa. Ilang saglit lang, dadaan ang humahangos na si LOTLOT (15), bitbit ang isang supot na naglalaman ng mumurahing Barong Tagalog mula sa ukay-ukay. Hihinto si Lotlot sa harap nila, hiningal at pinupunasan ang pawis sa noo gamit ang likod ng kamay. LOTLOT pilit na nagpakasigla Choi, galing kay Aling Rosa. Baka raw kasya ni Choi Je, pinagliitan ng anak niya. Isang mabigat na katahimikan ang pumagitna sa kanilang tatlo. Walang sumagot. ( ) ( ) 4.

Hindi nag-abalang lumingon nang diretso si Badong at ngumuso ito nang mariin paturo sa itaas ng hagdanan, senyales na iakyat na ni Lotlot ang barong sa loob ng barangay hall. Dali-daling tatango si Lotlot at aakyat pabalik sa loob para iwan ang bitbit. CUT TO: 4. EXT. KALSADA - TANGHALI Mabigat at nakasubsob ang sikat ng araw sa pinong alikabok at sa sementong daan. Tumataginting ang alinsangan. Tahimik na binabagtas ng tatlong magbabarkada ang gilid ng lansangan, medyo malayo-layo pa ito sa mismong riles. Walang masyadong ingay sa paligid kundi ang yabag ng kanilang mga tsinelas sa mainit na lupa at ang malayong ugong ng trapiko. Si Badong, habang hawak pa rin ang cellphone, ay panay ang punas ng pawis sa batok gamit ang laylayan ng t-shirt. Binagalan niya ang lakad, sinisipa ang isang basyong lata sa gilid habang naiiling. BADONG ‘Yung authorization letter? Gawa- gawa ko lang kanina ‘yun nung nakapila kayo sa silong, pinaprint ko. Ano namang hihintayin nating pirma? Wala namang nanay si Je. Ulila na ‘yun bago pa mapadpad dito sa riles. LOTLOT Ha? Eh, kaninong ID ‘yung isiningit mo kay Kap, Choi? BADONG Edi kay Madam. Naiwan ‘yung luma niyang ID sa ilalim ng bag ko bago tayo mapalayas kakautang ni Papsi. Eh 'di ba, taga Dubai talaga 'yon? Tahimik na ipproseso ni Lotlot ang mga narinig. BADONG Hayaan mo na. Tsaka para naman may silbi 'yung pangangabit niya no'n. LOTLOT Gasti ka, Choi! Paano kung napansin? Edi himas rehas sana kayo ngayon. MORE( ) 5.

LOTLOT (CONT'D) Pero buti pa si Choi Je, kahit walang-wala, may mga kaibigan siyang gagawin ang lahat 'no, Choi? Eh ako, hanggang ngayon hindi ko alam kung sino talagang nag-iwan sa'kin no'n, e. BADONG Tanga ka! Tumigil ka sa kadramahan mo. Alam mo, Lot, kahit ikaw pa ‘yung sanggol na dinala ko sa bahay no'n habang nag-aaway sila mama tsaka Paps dahil kay Madam, ikaw 'yung nakasama naming lumaki sa hirap at ginhawa hanggang dito sa riles. Kaya kahit anong kayod na kailangan nating gawin para mailibing si Ejhay, gagawin natin. Lakasan mo ‘yang loob mo. Habang nagpapatuloy sa pagdaldal ang dalawa, hihinto sa paghakbang si Tomas. Titigil ito sa gilid ng isang bahay na may mababang pader, habang ang isa naman ay mariing nakadiin sa paperbag. Titigil ang tingin niya sa lupa sa baba ng pader. Isang basyong bote ng alak ang nakatapon sa gilid ng maduming sementong daan. Basag ang ilalim. May natitirang tuyong latak ng gin sa tagiliran. Nanakaw ng isang mabilis na sulyap sa basyo ang binata. Lilingon siya nang bahagya sa unahan. Mapapansing nakalayo na sina Badong at Lotlot. Mabilis itong hihinga nang malalim, pilit na kakaladkaring muli ang mga paa, at hahabol sa dalawa nang blangko ang mukha at walang imik sa ilalim ng nakakapasong init ng tanghali. CUT TO: 5. EXT. KALSADA MALAPIT SA ESKWELAHAN - TANGHALI Patuloy ang paglalakad ng dalawa habang si Tomas ay nakasunod lang sa likod ng mga ito. Sa gilid ng isang eskwelahan, habang tinatahak nila ang mainit at bitak-bitak na sementong daan papunta sa direksyon ng riles, matitisod nang bahagya si Lotlot. Makikitang sasayad ang dulo ng tsinelas niya sa isang matigas at maliit na bagay sa lapag. Isa itong kupas na tansong sinulid na nakapulupot. Ang anklet na minsan nilang ginawa para sa kanilang apat na magbabarkada. May ilang bahagi pa itong nangingitim sa dumi at kupas ng pawis. Sa gitna nito ay may tansong nakahulmang hugis "E", tanda na ito ay pagmamay-ari ng yumaong kaibigan. 6.

Kukunin niya ito mula sa sahig. Pagkakita na pagkakita ni Lotlot sa anklet, mabilis siyang lilingon sa likod at direktang titingin kay Tomas, na para bang nagtatanong ang mga mata kung bakit nasa ganitong lugar ang pag-aari ng kaibigan nila. Mapapansin ni Badong ang paghinto at ang reaksiyon ni Lotlot. Didilim ang mukha nito, sasalubong ang mga kilay, at sa isang iglap ay aagawin ang anklet mula sa kamay ni Lotlot. Tititigan niya ito nang mariin, sabay baling ng tingin kay Tomas na nakatayo sa hulihan. BADONG Putcha, sabi na, eh. Tahimik lang si Tomas. BADONG mainit ang ulo Magsasalita ka ba o uupakan kita rito?! May nakita ka bang nangyari rito kay Je? Sino'ng mga dumaan nung nakita mo siya sa paliko? Lulunok nang mariin ang binata, pilit na sasaluhin ang bawat tulak at galit ni Badong nang walang binibitawang salita. Walang ibubuga ang bibig niya. Ang mga kamao lang niya ang nanginginig sa gilid ng hita habang blangko at mugto ang mga mata. BADONG mas lalong tumaas ang boses Hindi pa sasagot? LOTLOT aawat Choi, 'wag dito. BADONG kay Lotlot Kampihan mo pa! Hihinga nang malalim si Badong, nanginginig pa ang buong katawan habang pinupunasan ang pawis sa noo, gigil na gigil na ibababa ang tingin sa semento sabay hagis ng anklet pabalik kay Lotlot. BADONG Punyeta. Pupulutin ulit ni Lotlot ang anklet mula sa sahig, mabilis itong isusukbit sa sariling bulsa, at aalalayan si Badong palayo. Tatalikod si Badong at padabog na magpapatuloy sa paglakad habang patuloy na nagmumura nang pabulong. ( ) ( ) ( ) ( ) 7.

Si Lotlot, bago sumunod, ay balisang lilingon kay Tomas para tingnan kung nakasunod ito. Samantala, ang walang kibo na si Tomas ay patuloy lang na susunod sa dalawa pabalik ng riles. CUT TO: 6. EXT. KALSADA PALIKO NG RILES - TANGHALI Tahimik at mabigat ang paghakbang ng tatlo. Humupa na ang init ng ulo ni Badong. Panay ang pahid nito ng pawis sa batok habang paminsan-minsang bumubuntong-hininga ng pait, ang mga balikat ay nakasubsob sa tindi ng alinsangan. Si Lotlot naman ay tahimik na nakasunod, paminsan-minsang napapakapa sa bulsa kung saan nakatago ang anklet. Habang nagpapatuloy sila sa paglakad, biglang hihinto sa paghakbang si Tomas. Sa gilid ng graba, may mapapansin siyang nakabaon sa putik. Isang lumang itim na wallet na gawa sa balat, bahagyang nangingitim na sa dumi at basa ng hamog. Mapapansin siya ni Lotlot kaya dali-dali rin itong hihinto. LOTLOT Choi. Ituturo nito ang tumigil na si Tomas. Muling magbabago ang timpla ni Badong at mabilis itong babalik sa lugar kung nasaan ang binata, gayunding sunod ni Lotlot. Dahan-dahang kukunin ni Tomas ang pamilyar na wallet. Sa pag- angat nito, biglang malalaglag ang isang lukot na e-jeep ticket pa-Cubao na siya ring mapapansin ng dalawa. Nanlaki ang mga mata ni Badong, nawala ang hinuha ng paghinahon, at mabilis na sumiklab ang panibagong hinala. Hahatakin nito ang binasa sa kwelyo ng damit. BADONG Choi, ano ba talaga, ha?! LOTLOT aawat Choi, kumalma ka. BADONG kay Lotlot Eh, putcha, kanina pa 'to, eh! kay Tomas 'Wag mo 'kong pangalayin, uupakan kita! Nanginginig ang mga labi ni Tomas. Sa gitna ng mga sigaw at galit ni Badong, dahan-dahan niyang iwinasiwas ang kamay para kumalas sa pagkakahawak sa kaniyang kwelyo. ( ) ( ) ( ) 8.

Blangko, mugto, ngunit nagngingitngit sa kakaibang tapang ang mga mata niya habang diretsong tititigan si Badong. Walang siyang sasabihing depensa. Sa halip, marahas siyang tatalikod at unang maglalakad diretso papunta sa mismong riles. BADONG nanggigigil Aba, antigas ng bungo mo, ha! Susundan siya ni Badong habang si Lotlot naman ay agad na pupulutin ang nakitang resibo. CUT TO: 7. EXT./INT. BARUNG-BARONG SA RILES - KASUNOD Isang tagpi-tagping barung-barong ang nakatayo sa gilid mismo ng naglalakihang bakal ng riles, gawa sa pinagtagpi-tagping yero, lumang kahoy, at mga tarpaulin na nagsisilbing bubong at dingding. May mumurahing bentilador na umiikot sa loob, lumilikha ng ingay habang sinasabayan ang init ng tanghali. Walang imik na pumasok si Tomas. Binagsak niya ang may butas na paperbag sa tabi ng banig kung saan madalas matulog si Ejhay, saka diretsong naupo sa gilid ng sahig, blangko ang mga mata habang nakatitig sa alikabok. Papasok si Badong. BADONG seryosong boses Tignan mo 'ko. Hindi ko na alam kung anong klaseng gaguhan 'yang pinaggagagawa mo, pero subukan mo lang ulit tumalikod habang kinakausap kita, hindi lang sapak aabutin mo sa'kin. Dahan-dahang iangat ni Tomas ang kaniyang mukha. Walang buhay ang mga mata nito nang tumingin kay Badong. Walang luha, walang depensa. BADONG buo ang loob Pupunta akong Cubao. Makikita si Lotlot sa bungad ng pasukan ng barung-barong. LOTLOT Choi, sama. Isang matinding katahimikan ang pumagitna sa silid. Tanging ang ugong na lang ng bentilador ang maririnig. CUT TO: ( ) ( ) ( ) 9.

8. INT. E-JEEP PAPUNTANG CUBAO - HAPON Maingay ang makina ng lumang aircon e-jeep habang bumabagtas ito sa mabigat na trapiko. Halo-halo ang amoy ng usok, maalikabok na kurtina ng sinasakyan, at tuyong pawis. Mahina ang buga ng aircon, kaya’t ang bawat pasahero ay tila binabasa ng alinsangan habang nakatitig sa labas ng bintanang may mantsa ng ulan kagabi. Sa pinakadulong upuan ng e-jeep, nakasiksik silang tatlo. Si Lotlot ang nakaupo sa mismong gitna, balisang nakatingin sa unahan habang walang mapaglagyan ng mga kamay, panay ang kapa sa sariling tuhod. Sa tabi niya sa kaliwa, nakadikit ang balikat sa malamig na salamin ng bintana si Badong. Bakas na bakas pa rin sa mukha nito ang salubong na salubong na mga kilay. Sa tapat naman ni Lotlot ay si Tomas. Nakayuko, blangko ang mga mata, at mahigpit na nakatago ang mga kamay sa loob ng bulsa. KONDUKTOR NG E-JEEP sisigaw mula sa pinto Bayad ho, bayad. Isa-isa lang, pakiabot na po. Magkakaroon ng bahagyang katahimikan. Walang gagalaw. Si Lotlot ay mabilis na mapapakapa sa sariling bulsa, hihilain palabas ang palad na may ilang pirasong barya na kulang maski para sa isang tao. Babaling si Lotlot kay Badong na masama na ang timpla. KONDUKTOR NG E-JEEP 'Yung tatlo dyan sa dulo, pasuyo na lang. Pabulong na kakausapin ni Lotlot ang nakasimangot na si Badong. LOTLOT mahina, pabulong Choi… Hindi ito iimik. Lalapit ang konduktor. KONDUKTOR NG E-JEEP Saan sila? Walang sasagot. KONDUKTOR NG E-JEEP sisimangot, magsusungit Kanina pa 'ko sigaw nang sigaw sa harap. Ayos, ah. Saan kayo? ( ) ( ) ( ) 10.

BADONG pasigaw, pikon Anong problema mo?! Eh, ngayon ka lang naman naningil, ah! Kasalanan ko bang natulog sa pansitan ‘yang pagka-konduktor mo?! KONDUKTOR NG E-JEEP itataas ang boses habang nakaturo sa pintuan Hoy, huwag mo akong sigaw-sigawan dito! Kung wala kayong pambayad, magsibaba kayo. Baba! Aawatin ito ni Lotlot. KONDUKTOR NG E-JEEP 'Di na uso libre ngayon. Labas! Dali-daling aalis ang dalawa pababa ng e-jeep. Samantala, ang tahimik na si Tomas ay sumunod sa mga ito at huminto sa harap ng e-jeep kung saan nakapwesto ang galit na konduktor. TOMAS mahinahong boses Pasensya na po. Mula sa bulsa ng binata, magbabayad ito sa konduktor ng saktong pamasahe nilang tatlo galing sa mga baryang halatang pansariling ipon niya. KONDUKTOR NG E-JEEP Oh, ayan pala, eh. Edi sana kanina mo pa binigay kaysa nag-eskandalo pa ‘yang kasama mo. Ngingitian lang nito ang konduktor at bababa na rin. CUT TO: 9. EXT. KALSADA SA CUBAO - KASUNOD Isang mabilis at marahas na hiyaw ng e-jeep ang maiiwan sa hangin habang humaharorot ito palayo, ibinubuga ang itim na usok sa mukha ng tatlo. Nang mag-angat sila ng tingin, mapapansin nila ang pamilyar na tanawin sa unahan. Ang karatulang Araneta Center/Gateway Mall. Saktong ilang kanto na lang ang layo nila sa bukana ng Cubao Expo. Walang nagsalita. Tahimik silang nagkatinginan bago sabay- sabay na humakbang pasulong. ( ) ( ) ( ) 11.

Abalang-abala ang Araneta Center habang nagsisimula nang lumubog ang araw sa pagitan ng mga overpass. Siksikan ang mga tao sa makikitid na sidewalk—mga nagmamadaling empleyado at mga e-jeep na bumubusina sa Aurora Boulevard. Pero sa pagitan ng ingay ng lungsod, ang tanging naririnig ng tatlo ay ang mabibigat at pagod nilang yabag sa semento. Ramdam na ramdam ang pagod sa kanilang mga paa. Si Badong ay naglalakad sa unahan, salubong pa rin ang mga kilay at nakakuyom ang mga kamao sa gilid ng hita. Si Lotlot ay panay ang punas ng pawis sa noo gamit ang likod ng kamay, habang si Tomas naman ay tahimik na nakasunod sa hulihan, blangko ang mga mata at mahigpit ang hawak sa sariling bulsa. Walang umiimik habang tahimik nilang binabagtas ang abalang paligid, tinatahak ang huling bahagi ng daan para lang marating ang liblib at mas tahimik na bahagi ng Cubao Expo. CUT TO: 10. INT. CUBAO EXPO - DAPIT-HAPON Liliko sila palayo sa maingay at usok-usok na kalsada, papasok sa tagong pasilyo ng Cubao Expo. Sasalubong sa kanila ang lumang arkitektura ng compound. May mga nakasarang shutter ng pinto na may makukulay na graffiti, mga lumang brick wall na nilumot na ng panahon, at ang amoy ng lumang kahoy at mamasa-masang semento. Bakas kay Badong ang mabigat na pagod at tuyong mga labi sa bawat hakbang habang nililibot ang paningin sa paligid. Mapapatigil sa paglakad si Lotlot. Dahan-dahan niyang lilingunin ang gilid ng mga tindahan, habang ang mga kamay ay mahigpit na nakayakap sa sariling braso habang pinapanood ang pagtama ng huling liwanag ng araw sa mga lumang pader. Mananatiling nakasunod nang ilang hakbang si Tomas sa likuran, habang paulit-ulit na pinapagpagan ang alikabok sa sarili niyang manggas kahit wala namang dumi. Mabilis niyang iniiwas ang mga mata tuwing lilingon sa kaniya sina Badong o Lotlot. CUT TO: 11. INT. CUBAO EXPO - GABI Lumalim ang dapit-hapon. Ang kahel na langit ay dahan-dahang napalitan ng kulay-abong kadiliman habang sumisindi ang mga fluorescent at neon lights mula sa mga bukas na bar at tindahan sa lugar. Sa isang sulok, makikitang nakaupo si Tomas, blangko ang mga mata habang tahimik na nakatitig sa sahig. 12.

Dahan-dahang uupo si Lotlot ilang pulgada ang layo mula sa binata at ilalapag sa pagitan nila ang nakalukot na e-jeep ticket na nakuha mula sa wallet. Sa kabilang banda naman, mapapansing nakabagsak ang panga ni Badong. Parang pinagsakluban ng langit at lupa at unti-unting mawawalan ng tensyon sa kaniyang mga balikat hanggang sa manghina ang tuhod nito at mapaupo sa kabilang tabi ni Lotlot. Babalutin ng katahimikan ang lugar. Ilang saglit, mula sa bulsa ni Tomas, ilalabas nito ang isa pang ticket ng e-jeep papuntang Cubao. May parehong petsa sa ticket na natagpuan sa wallet ni Ejhay. Ang resibong itinabi niya noong huling biyahe nila ni Ejhay papunta rito. Walang imik niya itong ilalapag sa semento, katabi ng ticket na inilapag ni Lotlot. Agad na sasalubong ang mga kilay ni Badong. Papalit ang matinding galit at hinala sa mukha nito, nakasara ang mga kamao at nanginginig sa inis habang akmang bubuka ang bibig para magmura. Pero bago pa man siya makapagsalita, dahan- dahang mag-iangat ng tingin si Tomas. Walang emosyon pero basag ang boses nito nang magsimulang magsalita. TOMAS Paulit-ulit ko 'yun binabalikan sa isip ko, e. Kung maaga ko lang sana siyang hinila pauwi no'n… Habang patuloy sa pag-agos ang mga luha ni Tomas sa gitna ng kaniyang pag-amin, sabay-sabay na papasok ang mga gunita sa kaniyang isipan. START OF MONTAGE: 11.1. INT. E-JEEP PAPUNTANG CUBAO - HAPON: Magkatabi sina Tomas at Ejhay sa pinakadulong upuan ng maingay na e-jeep papuntang Cubao. Mahigpit ang pagkakakapit ng kanilang mga kamay sa ilalim ng lumang dyaket habang nakasandal si Ejhay sa balikat ni Tomas. TOMAS (V.O.) Kung hindi ko lang sana hinayaang magpaikot-ikot kami rito sa Cubao kahit wala na kaming laman ang bulsa, baka nandito pa siya ngayon. 11.2. INT. CUBAO EXPO - GABI: Magkakatabi sila Tomas at Ejhay habang nagtatawanan, hawak ang mga baso ng alak, at halatang malaya pang nakakapagpanggap sa gitna ng ingay at ilaw ng mga bar. 13.

TOMAS (V.O.)(CONT.) Ayaw niyang bumalik sa riles, Dong. Sabi niya, kahit ngayong gabi lang, gusto niyang makaramdam na parang tao naman siya, Na hindi siya basta-basta basurang pinulot lang sa tabi ng riles. Mag-iinitiate ng tagay ng bote si Ejhay. Sabay silang lalagok ng alak. EJHAY Mas, hanggang kailan pa kaya tayo magtatago? 11.3. EXT. KALSADA MALAPIT SA ESKWELAHAN: Madilim at tahimik sa tapat ng lumang pader ng eskwelahan kung saan pasuray- suray na naglakad ang lasing na si Ejhay habang inaalalayan ni Tomas, bago napaupo sa tapat ng gate at hinubad ang kaniyang anklet habang umiiyak at nakatingin kay Tomas sa gitna ng kalasingan at hinanakit. TOMAS (V.O.) (CONT.) Sabi niya, pagod na pagod na raw siyang lumaban sa araw-araw na walang katiyakan. Hinubad niya ‘yung anklet niya… Iaabot nito ang anklet niya kay Tomas. EJHAY Sa'yo na 'to. Dahan-dahang aangat ang mukha ni Ejhay, mugto ang mga mata at basa ng pawis at luha ang pisngi habang tititigan nang malalim si Tomas. Isang marahang hakbang palapit, aakbayan ng nanginginig na kamay ang batok ng binata, at dahan-dahang ilalapit ang mukha. TOMAS Pa'no sila Choi? 11.4.EXT. KALSADA MALAPIT SA RILES - GABI/MADALING ARAW: Kasabay ng pagbagsak ni Ejhay noong gabi ng aksidente, tumilapon ang lumang wallet mula sa bulsa nito. Lumanding at tuluyang sumiksik ang wallet sa gilid ng graba malapit sa mismong riles. TOMAS (V.O.) (CONT.) Kagabi, habang naglalakad kami pabalik sa dilim, pilit niyang tinatanggal ‘yung pagkakaakbay ko sa kaniya. Tapos, ayun, bigla na lang siyang nadulas sa may gilid ng pader. Akala ko, kaya ko pang saluhin, Choi. Pero ang bilis-bilis ng pangyayari. (MORE) 14.

TOMAS (CONT'D) Pagbagsak niya sa lupa, alam ko sa sarili ko na wala na akong nagawa. 11.5. EXT. KALSADA MALAPIT SA RILES - GABI/MADALING ARAW: Makikiitang nakakalong si Ejhay sa hita ni Tomas habang nag- aagaw-buhay ito. TOMAS (V.O.) (CONT.) ‘Yung ticket na ‘yun, ticket pa ‘yun galing dito bago kami bumalik pa-riles. Nung nakita ko ‘yun kanina, parang binuhay ulit lahat ng takot ko. Akala ko kapag dinala ko kayo rito sa Cubao, kahit papaano, mababawasan ‘yung bigat. Pero ang tanga ko pa rin. END OF MONTAGE. TOMAS Kasi kahit anong takbo ko, hinding- hindi ko na maibabalik si Je. Sabi ko sa sarili ko, sasaluhin ko na lang lahat ng hinala niyo, kasi kung tutuusin… ako naman talaga ang may kasalanan kung bakit siya nawala. Walang imik. Makikitang tuluyang bumagsak ang balikat ni Badong. Nawala ang galit sa kaniyang mukha, napalitan ito ng matinding gulat at bigat ng dibdib habang tahimik na tumutulo ang mga luha sa kaniyang mga mata nang walang tunog. Sa kabilang tabi, nakatakip si Lotlot ang dalawang kamay sa mukha, humihikbi nang mahina habang nanginginig ang buong katawan sa narinig at nasaksihan. Si Tomas ay nananatiling nakatingin sa sahig, basang-basa ang mukha ng luha, patuloy na humihinga nang mabigat habang hawak pa rin ang mga e-jeep ticket na nagmistulang patunay ng lahat ng kanilang tinago. Biglang hahampas sa katahimikan ang basag at paulit-ulit na ringtone ng lumang selpon ni Badong. Nanginginig ang mga daliri nitong aabutin ang selpon mula sa bulsa para sagutin ang tawag, pero bago pa man niya madikit sa tainga, biglang namatay ang tunog. Nawala ang tawag. Pagbaba ng tingin niya sa selpon, doon na niya mapapansin ang sunud-sunod na notification. Lampas sampung missed calls mula sa chairman. Walang pag-aalinlangan, mabilis na pinindot ni Badong ang call icon at ibinaba sa tenga, seryoso at nanginginig ang panga habang naghihintay na sumagot ang kabilang linya. 15.

CHAIRMAN (O.S.) Badong, nasaan ba kayo? Hinahanap kayo rito ng mga taga munisipyo. Habang nakikinig, lalong didilim ang mukha ni Badong. Para masigurong marinig din nina Tomas at Lotlot ang bigat ng binabato sa kanila, mabilis nitong pipindutin ang loud speaker icon. CHAIRMAN (O.S.) Kinansel ng munisipyo ‘yung burial assistance. May tanong lang ako. Totoo ba talagang nanay ng barkada niyo 'tong ID na pinasa mo? Parang lumalabas daw kasi na peke. Kaya ngayon, pinapaimbestigahan na rin ng mga pulis kung paano talagang namatay. Pumunta muna kayo rito para sana kayo na ang magpaliwanag at maipalibing na rin 'yung kaibigan niyo kahit bukas. Tuluyang ibinaba ni Badong ang tawag, isang mabilis na pindot para patayin ang linya. Walang boses na lumabas sa kaniyang bibig. Dahan-dahan itong napaupo nang tuluyan sa semento, blangko, at tuluyang nilamon ng bigat ng balita. 12. INT. CUBAO EXPO - GABI Madilim na gilid ng Cubao Expo kung saan tanging ang malayo at malamlam na sinag ng mga neon lights ang umaabot sa semento. Wala nang nagtangkang magsalita, pumalag, o umiyak pa. Magkakatabi silang naupo sa sahig. Si Tomas na mugto at wasak ang hitsura dahil sa labis na pagka-affected at puyat, si Badong na basag ang angas at nakatulala sa kawalan, at si Lotlot na tahimik na nagmamasid sa kanila. Pinanood nila ang pagdilim ng paligid, habang dahan-dahang lumulubog sa kanilang isip ang katotohanan. Ang lugar na pinag-ipunan nilang puntahan noon para sana magsaya ay naging saksi pala sa huling sikreto ng kanilang kabataan. At kahit bumalik pa sila sa Tondo, wala nang magiging pareho kailanman. WAKAS. 16.