Alimuom Ni Abbigail B. Halcon
Alimuom Ownership rights of Abbigail B. Halcon All rights reserved. No part of this book may be reproduced in any form or by any means without written permission from the copyright holder.
Amoy ng Kahapon Sinag ng araw ma’y nagliliyab, kasabay ang tagaktak nitong pawising noo, unti-unting pumatak mumunting butil ng ulan. Sa kalsadang nagbabaga madalang kung diligan, hibla ng luntia’y nabuhayan, tigang na lupa’y umalingasaw. Higit pang amoy sa labada Maski Zonrox at sabong panlaba na sinusunog itong balat. Masangsang— ngunit pamilyar. Binabalot ang paligid. Babala sa matinding ulan Pagbuhos ng luha nitong hapong ulap, Hinampas ng alon ang dalampasigan nitong mapurol na utak. At sa ‘king pagmulat, unang bumungad ang aking pagkabata.
Minsan lang Lumabas ang mga Tala May tatlong bituin, handog ni Bathala Sa Buwan at Araw, mumunting inakay Biyaya ng tadhana, pag-asa ang dala Kumikinang-kinang sa dilim ng bahay Minsan lang lumabas itong munting tala Sa awang ng pinto, mata’y nakatunghay Paa’y nag-aabang sa isang himala Paghinga’y tikom, taimtim maghintay Ngunit… Pag-idip ng Araw, wala nang bahala Paghilik ng Buwan, wala nang bantay Sa siwang lulusot, wala nang alala Walang alintana ‘pagka’t may karamay Tila ibong bagong laya mula sa hawla ng ABAKADA, sandamakmak na chart, libro’t idlip. Salo ang gamunggong butil na patak ng ulan Sunod-sunuran sa agos ng tubig-kanal at ihip ng hanging kay lamig— humahagod sa nagyeyelong balat, balot ng putik na masangsang. At pagmulat ng araw, pagtila’t paglisan ng ulan, mga tala’y babalik. ‘Di bale nang bulyawan,
kurutin, paluin, at pingutin— Balat ma’y masunog. Paglayuin man nitong sanlibutan.
Sa Alas-Tres ng Hapon Bahagyang sinusunog ng araw ang namumutlang balat ni Mama. Haplos-haplos ang aking ulo, unti-unting ginigising itong pagal na utak at mga matang kay bigat. Ngunit mas mabigat pa ata ang buntong-hininga ni Mama. Tulala sa daang pamilyar, isipa’y nasa lesson plan. Lugmok sa class record at papalapit na exam. Tuwing alas-tres ng hapon, Lulan ng dyip pa-Montalban Saka sumasagi sa ‘king isipan Na sana ako naman.
BALIK-SULYAP Pagsasanay Hanapin ang kasingkahulugan ng salitang may salungguhit sa pangungusap sa mga salitang nasa loob ng kahon sa ibaba. 1. Ilang numero pa ang dapat titigan? 2. Ilang pahina pa ang pagmamasdan? 3. Gaano karaming medalya pa ang dapat iuwi? 4. Ilang trapal pa ang kailangang ikabit? 5. Para masabing maaari na—sapat na.
Naiwan sa Kusina Hindi ko maintindihan. Bawat tingin, nakakahiya. Bawat suhestiyon, nakakasakit. At bawat halakhak, nakakarindi. Ang sabi nila, biro lang. Hindi ko maintindihan. Imbes na matawa, nais ko lang tapyasan itong malambot na katawan. Iyong abot sa buto Hangga’t wala nang laman.
Ubos na ang Kuwento ng Barbero Lumisan na ang barbero Nangangalawang na ang gunting Pumupurol na ang pang-ahit Silya’y nangangalap ng alikabok At may sapot pa sa sulok Ilaw ay umaandap Kisame’y lumulundo Naiwang toge’y inaamag At basuraha’y nilalangaw Natirang beer ay nilalanggam Maski abo ng sigarilyong limot Sa tabi ng lugaw at pandesal Balot ng kondensadang pang-almusal Si Santo Niño’y hulas Litrato ni Hesus ay kupas Gaya ng anak sa kalupi At mga kuwentong tagpi-tagpi Wala nang bakas Ang Prinsipe ng Tubol At kalbo na ang Alkalde ng Maynila Napagod na ang aswang ng Bicol Maski kabayo ng San Isidro At ang munting musmos Na iniwan ng nasirang ina Sa gitna ng malawak na niyogan Naagnas nang ‘di ito nakikita Pagka’t natahimik na ang hangin Ang saksi ng bawat bulong— Umalohokan ng tsismis, Alamat, at sabi-sabi ng mga misis Wala nang laman ang barberya Bukod sa alaala at pagluluksa Kaniyang kustomer ay nagtitimpi, Sa sulok, ng mga luha at hikbi
Mata’y namumula, buhok ay buhaghag Mukhang panaho’y sinukuan na Boses ay garalgal at paos Bumubulong sa mga kandilang upos Sa kamay, rosaryo’y nakagapos Nananalangin sa awa ng Diyos Hanap iyong yakap at hagikgik Nangungulila’t nanlulumo Maski pusong minsan kung umimik Takot malimot ang mga kuwentong barbero
BIONOTE Si Abbigail B. Halcon ay isang mag-aaral mula sa Polytechnic University of the Philippines at kasalukuyang kinukuha ang programang Bachelor of Arts in Literary and Cultural Studies. Sa hinaharap, nais niyang maging isang guro o abogado at, kasabay nito, nais niyang hasain at pagbutihin pa lalo ang kaniyang kakayahan sa pagsulat.